Pamantayang Etikal (Publication Ethics Guidelines)

Ang may-akda ay tumatanggap ng pananagutan sa paghahanda ng papel pampananaliksik para sa pagsusuri ng mga independiyenteng rebyuwer. Kabilang sa pananagutang ito ang pagpapasailalim ng manuskrito sa pagsusuri ng mga kapuwa mananaliksik at ang pagsasagawa ng mga rebisyon bago ito isumite. Ang proseso ng rebyu ay hindi dapat gamitin bilang paraan upang makakuha ng puna sa mga paunang yugto ng pagbuo ng papel pampananaliksik.

Ang mga rebyuwer at editor ay may pananagutang magbigay ng konstruktibo at maagap na pagsusuri sa mga isinumiteng papel pampananaliksik batay sa kahalagahan ng ambag at sa higpit ng pagsusuri at presentasyon nito.

Ang mga manuskrito ay susuriin para sa posibleng publikasyon sa pag-unawang ang mga ito ay isinusumite lamang sa iisang refereed na dyornal sa isang pagkakataon at hindi pa nailalathala nang sabay-sabay sa ibang publikasyon, o yaong tinanggap na para sa publikasyon sa ibang dyornal, ay hindi isasaalang-alang. Ang mga rebyuwer at editor ay unang nagsasagawa ng pagsusuri sa lahat ng isinumiteng manuskrito. Ang mga manuskritong may kakulangan sa orihinalidad, may malubhang depekto sa siyentipikong pamamaraan, o walang sapat na kahalagahan ng mensahe ay agad na tinatanggihan. Ang lahat ng natanggap na manuskrito ay pormal na kinikilala.

Hindi ibinabalik ng dyornal ang mga manuskritong hindi tinanggap. Ang iba pang manuskrito ay ipinapadala sa dalawa o higit pang eksperto sa pamamagitan ng double-blind review process. Ang bawat manuskrito ay itinalaga rin sa isang miyembro ng lupon ng editor, na batay sa mga komento ng mga rebyuwer ay gumagawa ng pinal na desisyon tungkol dito.

Sa loob ng humigit-kumulang dalawa (2) hanggang tatlong (3) linggo, ang mga may-akda ay aabisuhan tungkol sa mga komento ng mga rebyuwer at sa desisyon kung tinanggap o tinanggihan ang kanilang manuskrito.

Ang mga artikulong tinanggap ay sasailalim sa copyediting para sa gramatika, bantas, estilo ng pag-imprenta, at pormat. Ang mga pahinang patunay (page proofs) ay ipadadala sa pangunahing may-akda, na kailangang ibalik sa loob ng tatlong araw. Ang mga rebisyong matatanggap pagkatapos ng nasabing panahon ay maaaring hindi na maisama.

 

Pamantayang Etikal (Ethical Standards)
 
Ang BUSLO ay naninindigan sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng integridad, kredibilidad, at kahusayan sa akademikong paglilimbag. Bilang isang refereed na dyornal, inaasahan ng BUSLO na ang lahat ng kalahok sa proseso ng publikasyon—kabilang ang mga may-akda, editor, rebyuwer, at tagapaglathala—ay susunod sa mga kinikilalang pamantayang etikal sa larang ng akademikong publikasyon.
 
Inaasahang ang lahat ng isinusumiteng manuskrito sa BUSLO ay orihinal na akda ng mga may-akda at hindi plagyarisado, gawa-gawa, o manipuladong datos. Hindi rin pinahihintulutan ang sabayang pagsusumite ng parehong manuskrito sa iba pang dyornal o publikasyon habang ito ay sumasailalim sa proseso ng pagsusuri sa BUSLO. Tungkulin ng  may-akda na tiyakin ang katumpakan ng kaniyang datos, resulta, at interpretasyon, gayundin ang wastong pagkilala sa lahat ng ginamit na sanggunian at ambag ng ibang iskolar.
 
Tanging yaong may makabuluhang ambag sa konseptuwalisasyon, metodolohiya, pagsusuri, at pagsulat ng pananaliksik ang dapat kilalaning may-akda ng papel. Ang lahat ng may-akda ay inaasahang nagpahayag ng kanilang pahintulot sa pinal na bersiyon ng manuskritong isinumite. Kailangang ideklara rin ng may-akda ang anumang maaaring magdulot ng conflict of interest na may kaugnayan sa kaniyang pananaliksik o publikasyon.
 
Ang mga editor ng BUSLO ay may pananagutang tiyakin na ang lahat ng manuskrito ay sinusuri nang patas, obhetibo, at batay lamang sa akademikong merito nang walang kinikilingan sa lahi, kasarian, institusyon, relihiyon, o ideolohikal na paninindigan ng may-akda. Pananatilihin ng mga editor ang kompidensiyalidad ng lahat ng isinumiteng manuskrito at hindi gagamitin ang anumang impormasyong nakapaloob dito para sa pansariling kapakinabangan.
 
Ang mga rebyuwer ay inaasahang magsasagawa ng obhetibo, kompidensiyal, at makatarungang pagsusuri sa bawat manuskrito. Dapat nilang ipabatid sa editor ang anumang hinala ng plagiarism, duplicate publication, o iba pang paglabag sa etikang pampublikasyon. Hindi dapat tanggapin ng rebyuwer ang pagsusuri ng manuskritong may personal, propesyonal, o pinansiyal na conflict of interest.
 
Mahigpit na ipinagbabawal ng BUSLO ang plagiarism, data fabrication, data falsification, duplicate publication, citation manipulation, at iba pang anyo ng akademikong pandaraya. Ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga pamantayang ito ay maaaring patawan ng pagtanggi sa manuskrito, pagbawi sa nailathalang akda, pagbabawal sa pagsusumite sa hinaharap, at/o pag-abiso sa kinauukulang institusyon ng may-akda.
 
Kung may matutuklasang seryosong pagkakamali o paglabag sa etikang pampublikasyon matapos mailathala ang isang akda, may karapatan ang BUSLO na maglabas ng correction notice, expression of concern, o retraction notice alinsunod sa bigat ng kaso at sa umiiral na pamantayan ng scholarly publishing ethics.
 
Sa pamamagitan ng pagsusumite ng manuskrito sa BUSLO, ipinahahayag ng may-akda ang kaniyang pagsang-ayon sa lahat ng itinakdang pamantayang etikal sa paglalathala ng dyornal.

Makikipag-ugnayan (Contact)
Email: luminafoundation.inc@gmail.com
Contact Number: 0970 836 3594